Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na patuloy nilang paiiralin ang maximum tolerance sa mga taga-suporta ni Kingdom of Jesus Christ Founder, Pastor Apollo Quiboloy.
Ito’y kasunod pa rin ng nagpapatuloy na operasyon ng Pulisya upang ganap na maisilbi ang warrant of arrest laban kay Pastor Quiboloy na nahaharap sa patong-patong na kaso.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, malinaw ang atas ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil na dapat maitaguyod pa rin ang karapatang pantao nila Quiboloy at mga tagasunod nito.
Kasunod niyan, tinawag na desperado ni Fajardo ang mga tagasuporta ni Quiboloy matapos makita sa isang video na sinasaktan ng mga ito ang kanilang sarili para isisi sa mga pulis.
Bagaman hindi pa isinasapubliko ang naturang video dahil sumasailalim pa ito sa authentication, sinabi ni Fajardo na gagamitin ito ng Pulisya para gamiting ebidensya sa mga ihahain nilang reklamo laban sa ilang miyembro ng KOJC. | ulat ni Jaymark Dagala