Pinapa subpoena ng Senate Committee on Environment ang may-ari ng dalawang oil tanker na lumubog at sumadsad sa Bataan nitong Hulyo.
Hindi kasi dumalo sa pagdinig ng Senate committee ang dalawa na kinilalang sina Romnick Ponetas, na may-ari ng MTKR Jason Bradley, at si Mary Jane Ubaldo na may-ari ng MG Mirola 1.
Samantala, dumalo naman ang mga kinatawan ng MT Terranova na lumubog at nagdulot ng oil spill sa Bataan at mga kalapit na lugar nito.
Nagpahayag ng kahandaan ang kumpanyang Porta Vaga Ship Management Inc., may-ari ng MT Terranova, na makipag-usap sa mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill.
Ayon kay Atty. Valeriano del Rosario, sinimulan na nila ang pakikipag-usap sa mga lokal na pamahalaang naapektuhan.
Nauna na aniya nilang kausapin ang mga lokal na pamahalaan ng Cavite at Bataan at susunod na nilang kakausapin ang Bulacan at Pampanga.
Sinabi ni Del Rosario na pagkatapos ng ginagawa nilang pagsipsip sa 1,400 tons na natapong langis ay magtatayo sila ng claim centers sa mga LGU.| ulat ni Nimfa Asuncion