Nanawagan ang Manila Electric Company (MERALCO) sa mga generating company (gencos) na mag-bid para sa kanilang mga pangangailangan sa supply ng kuryente simula sa susunod na taon.
Ito ay kasunod ng desisyon ng Taguig Regional Trial Court na nagbasura sa petisyon para sa injunction sa Competitive Selection Process (CSP) at nagpawalang-bisa sa nauna nitong inilabas na Temporary Restraining Order.
Ayon kay Lawrence S. Fernandez, Chairperson ng Meralco Bids and Awards Committee for Power Supply Agreements, hinihikayat nila ang mga prospective bidder na magsumite ng kanilang pinakamagandang bid para sa 600 MW at 400 MW supply requirements ng Meralco para sa susunod na taon.
Binigyang-diin din ni Fernandez, na ang CSPs ay isinasagawa alinsunod sa mga patakaran at gabay na itinakda ng Department of Energy at ng Energy Regulatory Commission.
Ang Bids and Awards Committee ay nagtakda ng Bid Submission Deadline para sa 600-MW requirement sa August 27.
Para naman sa 400-MW requirement, ang Pre-Bid Conference ay sa August 29 at ang Bid Submission Deadline ay sa October 1. | ulat ni Diane Lear