Mayroon nang nanalong bidder sa isinagawang Competitive Selection Process ng Manila Electric Company o Meralco para sa kanilang kinakailangang 600-megawatt na baseload supply.
Sa anim na kumpanyang nagsumite ng kanilang mga bid, ang Masinloc Power Co. Ltd. ang nakakuha ng pinakamagandang bid sa halagang ₱5.6015 per kilowatt-hour para sa 500-MW capacity.
Habang ang GNPower Dinginin Ltd. Co. naman ang magbibigay ng natitirang 100-MW sa halagang ₱5.7392 per kWh.
Ito ay mas mababa kumpara sa ₱7.2609 per kWh reserve price na itinakda para sa bidding, na nangangahulugang mas makatitipid ang mga konsyumer sa kanilang electricity bills.
Ayon kay Meralco BAC-PSA Chairman Lawrence S. Fernandez, magandang balita ito para sa patuloy na pagsisikap ng Meralco na makakuha ng sapat na supply ng kuryente sa mas mababang halaga para sa mga customer nito.
Ang mga nagresultang 15-year Power Supply Agreements ay dadaan pa sa regulatory proceedings at approval ng Energy Regulatory Commission bago ang nakatakdang effectivity nito sa August 26, 2025.
Tiniyak naman ng Meralco na ang proseso ay naaayon sa mga alituntunin at regulasyon ng ERC at Department of Energy (DOE) upang masiguro ang transparency at fairness. | ulat ni Diane Lear