Isinasapinal pa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga karagdagang kasong isasampa nila laban sa Chinese national na hinihinalang espiya.
Ayon kay CIDG National Capital Region Chief, Police Col. Noel Alinio, kulang pa ang kanilang mga dokumento at matibay na ebidensya bago ganap na maisampa ang kaso sa korte.
Kabilang sa mga reklamong kanilang ihahain ay ang Illegal Interception and Misuse of Device na paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Magugunitang lumabas sa inisyal na resulta ng ginawang digital forensic examination sa mga nakumpiskang kagamitan sa Chinese national ang libu-libong kahina-hinalang larawan, video, audio, application, data base, call log, at iba pang files.
Dahil dito, sinabi ni Alinio na posibleng sa susunod na linggo pa nila maisampa ang reklamo laban sa nasabing dayuhan.
Una nang naihain ng CIDG ang reklamong Grave Threat at Illegal Possesion of Firearms laban sa Chinese dahil sa panunutok nito ng baril nang maaresto ito ng mga operatiba ng CIDG-National Capital Region Field Unit sa Makati City noong Mayo. | ulat ni Jaymark Dagala