Pormal nang nagsimula ngayong araw ang klase sa mga paaralan sa Marikina City may dalawang linggo matapos manalasa ang bagyong Carina at habagat.
Sa Malanday Elementary School na siyang pinakamalaking paaralan sa lungsod, maaga pa lamang ay marami nang estudyante ang excited nang magbalik-eskuwela sa kabila ng manaka-nakang pagbuhos ng ulan mula pa kaninang madaling araw.
Magugunitang sa kasagsagan ng kalamidad, nagsilbing evacuation center ang Malanday Elementary School sa may 4,000 indibiduwal na nagsilikas.
Una nang hindi nakasunod sa opisyal na Balik-Eskuwela noong isang linggo ang mga paaralan sa Marikina dahil kailangan pa itong linisin.
Base sa datos ng Marikina City Schools Division Office, mayroong 33 paaralan sa Marikina ang magbubukas ng klase ngayong araw. | ulat ni Jaymark Dagala