Umakyat sa 48 ang iniulat na nasawi sa pinagsanib na epekto ng 2 nagdaang bagyong Butchoy at Carina at ng Habagat.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang umaga, 14 sa mga iniulat na nasawi ay kumpirmado, kung saan 5 ang mula sa Calabarzon, 4 sa Region 9, 2 sa Region 3, at tig-isa sa Region 10, 11, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Habang sumasailalim pa sa validation ang 22 iniulat na nasawi sa National Capital Region (NCR), 10 sa Calabarzon, at tig-isa sa Region 1 at BARMM.
Sa ngayon ay lagpas na sa 1.6 na milyong pamilya o katumbas ng mahigit 6.2 milyong indibidual mula sa 5,099 barangays sa 17 rehiyon ang apektado ng sama ng panahon.
Sa bilang na ito, 8,324 pamilya o lagpas sa 36-libong indibidual ang nananatili sa mga evacuation center, habang mahigit 241-libong pamilya o lagpas sa 1 milyong indibidual ang tinutulungan ng pamahalaan sa labas ng evacuation center. | ulat ni Leo Sarne