Kinumpirma ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na ligtas nang kainin ngayon ang mga isdang huli mula sa apat na munisipalidad sa Cavite, kabilang ang Naic, Ternate, Kawit, at Maragondon.
Ayon sa BFAR, matapos ang isinagawang on-ground monitoring at assessment ay nakapasa na sa sensory evaluation ang tatlong magkasunod na batch ng fishery species na nakolekta mula sa mga naturang munisipalidad.
Dahil dito, idineklara nang ligtas para ikonsumo ng publiko ang isda.
Samantala, ang mga isda naman mula sa Bacoor City, Cavite City, Noveleta, Rosario, at Tanza, ay dalawang batch pa lang ang nakapasa sa sensory evaluation mula August 16-21, 2024.
Kaya naman, patuloy pa rin ang paalala ng BFAR sa publiko na iwasan ang pagkain ng mga isda sa naturang mga lugar
Una na ring idineklara ng BFAR na walang problema sa mga isdang huli mula sa Bataan, Bulacan, Pampanga, Batangas, at Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa