Tiniyak ng Department or Agriculture na walang dapat ikabahala ang mga mamimili sa mga panindang isda sa palengke.
Kasunod ito ng hinaing ngayon ng ilang fish vendors dahil sa matumal na bentahan ng isda na dulot ng oil spill sa Bataan.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, nananatiling ligtas sa petrochemicals ang mga isdang ibinabagsak sa palengke dahil ito ay regular na nasusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Paliwanag nito, sa pantalan palang ay mahigpit na ang ginagawang sensory evaluation ng BFAR para masigurong walang makalusot na mga isdang huli sa mga lugar na apektado ng oil spill.
Tinukoy rin nito ang mga ibinabagsak na isda sa Navotas Fishport na karamihan ay galing sa Lucena.
Una na ring ipinatupad ang fishing ban sa Limay, Bataan habang no-catch zone naman ang pinaiiral sa lalawigan ng Cavite. | ulat ni Merry Ann Bastasa