Ikinatuwa ng mga motorista partikular ng mga jeepney at taxi driver ang malakihang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo na epektibo na ngayong araw
Ayon sa mga driver na nakapanayam ng Radyo Pilipinas sa Marcos Highway, biyaya kung kanilang ituring ang big time oil price rollback na ito.
Anila, kadalasan kasing “katiting” lamang ang iniro-rollback sa presyo ng langis ng mga oil company subalit dahil sa malakihang rollback ay tiyak na gaganahan na silang bumiyahe at pagkakataon na ito para sila ay kumite.
Malaking tulong ito lalo na sa mga pumapasada ng jeepney at taxi lalo pa’t napakamahal ng presyo ng mga bilihin at iba pang serbisyo, kaya’t umaasa silang masusundan pa ang magandang balitang ito.
Nabatid na P2.45 ang tapyas presyo sa kada litro ng gasolina, P2.40 naman ang tapyas sa kada litro ng kerosene habang P1.90 naman ang bawas presyo sa kada litro diesel.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang malakihang rollback ay bunsod ng huminang oil consumption ng China at geopolitical tensions. | ulat ni Jaymark Dagala