Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani, nagpasalamat si Senador Joel Villanueva sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG ) at mga sibilyan na itinataya ang kanilang buhay para maprotektahan ang ating teritoryo sa West Philippine Sea.
Pinahayag ni Villanueva na ang katapangan ng ating mga tropa at ang pagtindig nila sa patuloy na pambu-bully ng China ay isang patunay ng kanilang kabayanihan na nararapat lang bigyan ng higit pa sa pagpupugay.
Samantala, para kay Villanueva, ang paggamit ng flares ng China sa eroplano ng BFAR noong Sabado at ang pagbangga at pambobomba nila ng water cannon sa BRP Datu Sanday sa may Escoda Shoal kahapon ay tahasang pagbabalewala sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Malinaw aniya itong paglabag sa sovereign rights ng Pilipinas sa ating 200 nautical mile exclusive economic zone (EEZ).
Kaya naman hinikayat ng senador ang international community, lalo na ang mga kaibigan at kaalyado nating bansa, na makiisa aa pagdemand natin sa China na itigil na angga agresibong aksyon at makipagtulungan para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.| ulat ni Nimfa Asuncion