Pumalo na sa kabuuang 88,983,568 Filipino ang nakapagrehistro sa National ID system hanggang Hulyo 26, 2024.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Undersecretary Claire Dennis Mapa, National Statistician and Civil Registrar General, nagpapatuloy pa ang registration ng national ID partikular sa mga malalayong bayan.
Huling dinayo ng PSA ang Turtle Islands sa Tawi-Tawi at nagsagawa ng national ID registration sa mga residente.
Nitong Agosto 15, may 1,061 residente kabilang ang mga bata na may edad isa hanggang apat na taong gulang ang nairehistro.
Dahil dito, umabot na sa 5,271 ang kabuuang registration o mahigit 92 porsiyento ng kabuuang populasyon ng munisipalidad na 5,683 batay sa 2020 Census of Population and Housing (CPH).
Pagtiyak pa ni Mapa, na patuloy ang pagsisikap ng ahensya na maging inklusibo, accessible at maginhawa ang pagpaparehistro ng National ID. | ulat ni Rey Ferrer