Nakipagsanib pwersa ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa SingHealth Duke-NUS Maternal and Child Health Research Institute (MCHRI), na pinangungunahan ng KK Women’s and Children’s Hospital (KKH) para mas mapalakas ang maternal and child health program nito.
Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, excited silang makatrabaho ang KK Women’s and Children’s Hospital para magkasamang matuto, mag-innovate, at mag-develop.
Ang nasabing kolaborasyon aniya ay magpapalakas din ng kapasidad ng Lungsod ng Taguig, na makapagbigay ng dekalidad na serbisyong medikal gayundin na matutunan ang mga magagandang gawain at solusyon na naging matagumpay sa Singapore.
Ito ay tututok din sa pagsasaayos ng mga key health indicator, infrastructure planning, at capacity building ng maternal at child health facilities ng Taguig.
Kabilang nga dito ang training at academic exchanges, development ng health programs, at joint scientific activities.
May isang grupo ng mga eksperto mula sa KKH at MCHRI ang nagsimula nang bumisita sa Taguig, at nagsagawa na ng symposium hinggil sa maternal and child health gayundin ang assessment ng mga local na pasilidad. | ulat ni Lorenz Tanjoco