Nilinaw ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. na hindi na kailangan pang magbayad ng buwis ni two-time Olympic Gold Medalist Carlos Yulo sa lahat ng natanggap nitong mga premyo at gantimpala kasunod ng pagkapanalo sa 2024 Paris Olympics.
Ayon kay Comm. Lumagui, exempted na sa pagbabayad ng tax sa ilalim ng National Internal Revenue Code (NIRC) si Yulo.
“The National Internal Revenue Code exempts Carlos Yulo from paying taxes for the prizes, awards, rewards, gifts, or donations he received. The BIR congratulates our two-time Olympic Gold Medalist for his performance in the 2024 Paris Olympics. You are an inspiration to the men and women of the BIR,” Commissioner Lumagui.
Partikular nitong tinukoy ang Section 32(B)(7)(d) ng NIRC kung saan nakasaad na hindi na papatawan ng buwis ang lahat ng premyo at gantimpala na iginagawad sa mga atletang nanalo sa anumang local at international sports competition.
Sa ilalim din ng Sec 32(B)(3) ng NIRC, ang halaga ng ari-ariang natamo sa pamamagitan ng regalo ay hindi isasama sa kabuuang kita ng tumanggap at, samakatuwid, ay hindi rin papatawan ng buwis.
Kaya naman, hindi na ring kailangang ideklara ni Yulo ang mga regalong natanggap gaya ng bahay at sasakyan bilang bahagi ng kanyang kabuuang kita, at hindi siya magiging obligado na magbayad ng anumang buwis sa kita para rito. | ulat ni Merry Ann Bastasa