Tinatrabaho na ngayon ng Kamara na mapabilang na ang mga opisyal ng barangay bilang miyembro ng Social Security System (SSS).
Kasama ito sa mga anunsiyo ni House Speaker Martin Romualdez sa Liga ng Mga Barangay na nagsasagawa ng National Congress.
Aniya, nagkausap sila ni SSS President Rolando Macasaet upang maipasok sa pension fund ang mga barangay official at masakop sila ng life insurance at lifetime pension.
“Nagkaroon ako ng pag-uusap kamakailan lamang kasama ang Pangulo ng SSS upang matugunan ang inyong pangangailangan sa proteksyon o seguridad habang kayo ay nasa serbisyo. Umaasa ako na sa lalong madaling panahon, lahat kayo ay magiging miyembro na ng SSS. Sa sandaling mangyari ito, agad na kayong mabibigyan ng life insurance at sa patuloy na pag-iipon natin sa pondo ng SSS, maaari rin kayong mag-qualify sa lifetime pension,” saad ni Speaker Romualdez.
Itutulak din aniya nila sa Kongreso ang pagpapatibay ng panukala para imandato sa mga lokal na pamahalaan na magtabi ng pondo na ilalaan pambayad ng buwanang kontribusyon sa SSS ng mga opisyal ng barangay.
Sa naturang pulong, naglaan ng 50 computer kung saan maaaring magparehistro ang mga miyembro ng liga ng barangay na hindi pa SSS member.
Maliban dito nais rin ni Romualdez, na magkaroon ng condonation sa mga hindi nabayarang loans o utang ng mga village official na miyembro na ng pension system. | ulat ni Kathleen Forbes