Hindi na dapat pagbigyan at hindi na dapat ituring na mga biktima ang mga Pilipino na nahuhuli sa mga scam hub o POGO.
Ito ang iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian matapos may mahuling mga Pilipino sa mga na-raid na POGO hub, na pinaghihinalaan ding scam hub, sa Parañaque City kamakailan.
Ayon kay Gatchalian, wala nang palusot ang mga kababayan nating sumasali sa iligal na aktibidad ng mga POGO dahil alam na nilang ipinagbabawal na ito sa bansa.
Hindi rin aniya lulusot ang alibi ng naturang POGO hub na mayroon silang application para maging Internet Gaming Licensee (IGL) dahil sakop na ito sa POGO ban na ibinaba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binigyang-diin ni Gatchalian na bawal nang tumanggap at mag-apruba ang PAGCOR ng mga IGL licenses.
Gayunpaman, aminado ang mambabatas na magkakaroon pa rin ng ganitong mga splinter groups ang mga POGO dahil nga hindi na sila bibigyan ng lisensya. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion