Iginiit ng mga senador na hindi muna dapat magtaas ng singil sa toll sa NLEX hangga’t hindi naisasaayos ang serbisyo nito, lalo na ang mga isyu sa sirang RFID reader, traffic at pagbaha sa expressway.
Nitong nakaraang linggo lang ay nagtaas ng toll fee sa NLEX at may nakaamba pang ikalawang tranche ng taas singil ngayong Agosto.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, ipinahayag ni committee chairman Senador Raffy Tulfo na tutol siya sa toll increase hangga’t hindi pa naisasaayos ang serbisyo sa expressway.
Maging si Senador Sherwin Gatchalian, na madalas dumaan ng NLEX, ay hindi rin sang-ayon sa toll increase.
Ipinunto ni Gatchalian na dapat munang tiyakin ng toll regulatory board (TRB) na maayos at pasado ang performance ng mga toll operator bago nila aprubahan ang hiling ng mga ito na toll increase.
Ipinaliwanag naman ng TRB na kaya nila pinayagan ang toll increase ay dahil nakasaad sa kontrata na pwede silang magdagdag ng singil kada dalawang taon.
Tiniyak rin ng TRB na tinutugunan na ang mga problema sa mga expressway gaya ng pagpapanukala ng guidelines sa tamang paglalagay ng mga RFID upang madali itong mabasa, pagpapalit ng mga RFID sticker, pagtatanggal ng barrier sa mga toll gate, at ang pagsasaayos ng problema sa pagbaha. | ulat ni Nimfa Asuncion