Nangako ang National Economic Development Authority (NEDA) na muli nilang pag-aaralan ang kanilang mga numero matapos kwestiyunin ng mga senador ang tinatawag na poverty threshold o ang batayan para masabing mahirap ang isang indibidwal.
Sa naging briefing ng DBCC sa Senado, napag-alaman na ang batayan ng pagiging ‘food poor’ ay kung nasa ₱64 per day lang ang budget para sa pagkain ng isang indibidwal.
Puna ni Senador Nancy Binay, sa numerong ito ay papatak na ₱20 per meal lang ang sinasabing budget ng isang ‘food poor’ na indibidwal, bagay na hindi aniya makatotohanan.
Ipinaliwanag naman ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na adjusted na ang datos na ito base sa inflation.
Pinunto naman ni Senador Joel Villanueva ang poverty threshold, kung saan lumalabas na ₱13,875 kada buwan lang ang budget ng isang maituturing na mahirap na pamilya na may limang miyembro.
Kung susumahin, lalabas na ₱2,775 ang budget kada araw ng isang itinuturing na mahirap na pamilya o ₱92 at ₱0.50 centavos para sa bawat isang miyembro ng pamilya.
Pero para kay Villanueva, kung titingnan ang presyo ng mga pangunahing bilihin – gaya ng bigas (₱65 per kilo), galunggong (₱180-₱280 per kiko) at pamasahe sa jeep (₱13) – ay tila hindi kasya itong pamantayang ito.
Aminado naman si Balisacan na kailangan nilang muling bisitahin ang kanilang mga numero. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion