Nakatakdang dumating sa Pilipinas ang Minister of Foreign Affairs and Cooperation ng Democratic Republic of Timor-Leste na si Bendito dos Santos Freitas para sa isang official visit simula bukas araw ng Lunes, Agosto 19 hanggang 21, 2024.
Ito ang kauna-unahang pagbisita ni Minister dos Santos Freitas sa Pilipinas bilang Foreign Minister, isang tungkuling kanyang sinimulan noong 2023.
Sa kanyang pagbisita, makikipagpulong ito kay Secretary for Foreign Affairs Enrique Manalo kung saan inaasahan tututok ang kanilang pag-uusap sa pagpapalakas ng bilateral at multilateral na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa at sa pagpapalitan ng pananaw hinggil sa mga pangrehiyon at pandaigdigang isyu.
Magaganap ang nasabing pagbisitang ito kasabay ng patuloy na pag-usad ng Timor-Leste tungo sa ganap na pagiging miyembro ng ASEAN.
Ipinahayag naman ng Pilipinas ang suporta nito sa mga pagsusumikap at progreso ng Timor-Leste sa ASEAN Roadmap. | ulat ni EJ Lazaro