Welcome para kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang pinakahuling credit rating ng Moody’s para sa Pilipinas, kung saan napanatili nito ang “Baa2” na rating na may stable outlook.
Bagama’t ang nasabing rating ay nangangahulugang moderate credit risk ang bansa, ipinahayag ni Sec. Pangandaman ang matibay na determinasyon na makakamit ng bansa ang “A” rating, na nagsasaad ng mababang credit risk.
Kung makakamtan ng bansa ang “A” grade, ito ang magiging unang pagkakataon na masusungkit ito ng Pilipinas matapos ang isang dekada sa “Baa2.”
Kinilala naman ni Pangandaman na napananatili ng bansa ang investment-grade rating nito dahil sa mga reporma sa ekonomiya, pagsisikap sa fiscal consolidation, at matatag na macroeconomic fundamentals.
Ayon sa ulat ng Moody’s, inaasahang mapapalakas ng liberalisasyon ng ekonomiya ng Pilipinas ang potensyal na paglago nito sa pamamagitan ng paglikha ng mas business-friendly na kapaligiran at pag-akit ng mga dayuhang pamumuhunan.
Ang Moody’s ay isa sa mga nangungunang credit rating agencies sa mundo na nagbibigay ng investor-oriented credit research at risk analysis.| ulat ni EJ Lazaro