Ibinida ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang mataas na percentage rate ng kanilang land distribution para sa taong 2023 hanggang 2024.
Sa budget deliberation ng DAR para sa kanilang 2025 budget na nagkakahalaga ng P11.1 bilyong piso, iprinesenta ng kalihim ang mahigit 114,000 na naipamahaging lupa mula 2023 hanggang sa unang bahagi ng 2024.
Ito ay napakinabangan ng may 113,914 na Agrarian Reform Beneficiaries.
Aniya, higit na mataas ito kumpara sa nakaraang administrasyon sa parehas na bilang ng buwan.
Ayon kay Sec. Estrella, ito ay dahil sa maigting na pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Land Registration Authority (LRA) para maging mabilis ang pagsaayos ng mga titulo ng lupa.
Matapos nitong budget hearing, muli aniya nilang sisimulan ang pamamahagi ng mahigit sa 101,000 pang lupa sa iba’t ibang rehiyon hanggang matapos ang taon.
Dagdag pa ng DAR chief, ang pamamahagi ng titulo ay parating pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil nais niyang personal na makita ang kalagayan ng mga magsasaka. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes