Walang nakikitang indikasyon ang Philippine National Police (PNP) na may kinalaman sa nalalapit na plebesito ang nangyaring gulo sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte noong isang linggo.
Ito ang inihayag ng PNP matapos i-ulat nito na nagbalik na sa normal ang sitwasyon doon kasunod ng nangyaring pag-atake ng armadong grupo na walang habas na nagpaputok ng kanilang mga armas.
Ayon kay PNP Pubic Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, bagaman patuloy pang inaalam kung anong grupo ang nasa likod nito, iginiit ng Lokal na Pulisya na nais lamang nitong manakot sa mga sibilyan doon.
Una rito, nanawagan si Datu Odin Sinsuat Mayor Lester Sinsuat sa PNP na magtatag ng detachment sa kanilang lugar matapos ang insidente sa mga Barangay ng Mamong, Linek, Badak, at Kusiong na nagresulta sa paglikas ng mga residente nito.
Gayunman, ini-ulat ni Fajardo na normal na muli ang sitwasyon sa lugar at nakabalik na rin sa kanilang mga tahanan ang mga nagsilikas na residente . | ulat ni Jaymark Dagala