Mariing pinabulaanan ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General Ricardo De Leon na inuudyukan niya ang ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y para tumestigo laban kina Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na may kaugnayan sa War on Drugs ng nagdaang administrasyon.
Sa isang pahayag, kaniya ring idinepensa si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at iba pang personalidad sa mga paratang ng senador hinggil sa usapin.
Giit ni De Leon na sa katunayan, lumapit sa kanya si Area Police Command – Northern Luzon Chief, Police Maj. Gen. Romeo Caramat Jr. para humingi ng tulong sa House Speaker para maupo bilang susunod na PNP chief.
Kapalit umano nito ani De Leon ang mga impormasyong hawak ni Caramat tungkol sa extrajudicial killings at drug war, kabilang ang mga listahan ng mga papatayin, lingguhang quota at proseso ng bayaran sa pagka-PNP chief.
Gayunman, sinabi ni De Leon na tinanggihan ni Speaker Romualdez ang alok ni Caramat at pinagsabihan ito na ang pagtatalaga ng PNP chief ay solong kapangyarihan lamang ng Pangulo ng bansa.
Sa huli, itinanggi ni De Leon na kinausap niya sina dating PNP Chief Oscar Albayalde at PNP Drug Enforcement Group Director, Police Brig. Gen. Eleazar Matta para tumestigo sa ICC. | ulat ni Jaymark Dagala