Pinasalamatan ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang Senado sa pag-apruba ng Senate Bill No. 2665 o ang Archipelagic Sea Lanes (ASL) Bill sa ikatlo at huling pagbasa.
Sa isang statement, sinabi ng NTF-WPS na ang naturang lehislasyon ay mahalaga sa pagpapatatag ng soberenya, pambansang seguridad, at territorial integrity ng bansa.
Ayon sa NTF-WPS ang hakbang ng Senado ay kasunod ng unang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara sa kanilang bersyon ng ASL Bill na House Bill No. 9034 noong Disyembre 2023.
Inaasahan naman ng NTF-WPS ang positibong aksyon ng Bicameral Conference Committee sa naturang lehislasyon.
Ang magandang pag-usad ng ASL Bill ay kasunod ng pag-apruba ng Senado at Kamara ng updated harmonized version ng Philippine Maritime Zones (MZ) Bill sa Bicameral Conference Committee meeting noong Hulyo 17, 2024.
Kasama ang Philippine Baselines Law o Republic Act No. 9522, ang MZ at ASL Bills ay inaasahang maghahanay ng lehislasyon patungkol sa pambansang teritoryo sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). | ulat ni Leo Sarne