Ipinakita sa mga miyembro ng media sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG) kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan ang sitwasyon sa Manila Bay hanggang sa ground zero sa Limay, Bataan ngayong araw kung saan lumubog ang barkong MT Terranova na may kargang 1.4-milyong litro ng langis.
Sa pag-iikot na BRP Suluan, walang oil sheen ang namataan sa paligid ng Manila Bay maliban na lamang kung saan nakapwesto ang mga oil boom ng PCG na na-contain ang langis na tumagas mula sa oil tanker, sang-ayon na rin kay CG Admiral Ronnie Gil Gavan sa kanilang isinagawang aerial inspection.
Patuloy din ang isinasagawang pagsaboy ng oil dispersant ng barko ng PCG para ma-breakdown at mag-evaporate ang langis mula sa ground zero kung saan lumubog ang MT Terranova.
Binigyang-diin naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na kung kayang araw-arawin ang isinasagawang inspeksyon kasama ang media ay kanilang gagawin para maiwasan ang panic at mga haka-haka ukol sa oil spill.
Araw-araw naman ang isinasagawang sampling ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa iba’t ibang lalawigan sa paligid ng Manila Bay para tiyakin ang kalidad ng katubigan sa lugar.
Nagpaabot na rin ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga apektado ng oil spill sa pamamagitan ng mga food packs habang nakahanda na rin ang iba pang support services ng ahensya kung kakailanganin.| ulat ni EJ Lazaro