Kinumpirma ni Tourism Secretary Christina Frasco na interesado ang Pilipinas na makibahagi sa pinaplantsang liberalisasyon ng visa policies sa mga bansang kabilang sa Association of South East Asian Nation o ASEAN.
Ayon kay Frasco kabilang sa inaasahang ipatutupad sa ilalim ng visa liberalization ay ang one visa policy sa nasabing mga bansa.
Sa pamamagitan aniya nito ay mas madaling makabibisita ang isang turista sa iba’t ibang mga bansa na miyembro ng ASEAN.
Aniya mas maraming bisita ang mae-engganyong dumalaw sa bansa partikular na ang Indian market.
Paliwanag ni Frasco, kahit patuloy na pinapalakas ng Pilipinas ang
global tourism competitiveness nito ay patuloy din naman aniyang tinitignan ng bansa ang mga kapitbahay nito sa ASEAN bilang mga benchmark o panuntunan para mas mapaganda pa ang turismo sa Pilipinas.
Aniya, kinikilala ng bansa ang ASEAN neighbors nito bilang mga modelo kung paano mas mapabubuti pa ng bansa ang turismo nito. | ulat ni Lorenz Tanjoco