Inanunsyo ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ang pagbubukas ng bagong online system nito para sa pag-request ng Driver’s License Cards.
Ayon kay LTO-NCR Regional Director Roque “Rox” Verzosa III, sa tulong ng bagong feature na accessible sa official LTO-NCR website ay mas mapapadali at mapapabilis sa mga kliyente na makita ang kanilang card status at makapagsumite ng print requests sa backlog ng Driver’s License Cards.
Ito naman ay magiging ekslusibo lamang sa mga nag-renew at nag-apply ng Driver’s License sa LTO-NCR.
Kailangan lamang na bisitahin ang Driver’s License Card (Print Request for Backlog DL Cards) via https://www.ltoncr.com/dlcardrequest at Driver’s License Online Inquiry via https://www.ltoncr.com/dlcardinquiry.
Ayon sa LTO, ang pagpapakilala ng online system na ito ay bahagi ng kanilang hakbang tungo sa modernisasyon.
Sa kasalukuyan, ang opsyon na humiling at kunin ang Driver’s License Cards ay magagamit sa piling LTO offices sa rehiyon.
Kabilang dito ang iba’t ibang Driver’s License Renewal Offices (DLROs) tulad ng Ali Mall sa Cubao, Eastwood, at Robinsons Place Manila, gayundin ang mga licensing centers tulad ng Quezon City Licensing Center at Caloocan Licensing Extension Office.
Bukod dito, kasama rin ang ilang District/Extension Offices tulad ng Pateros Extension Office at La Loma District Office.
Ayon kay Verzosa, ang mga karagdagang LTO-NCR offices ay isasama naman sa online system sa mga susunod na araw. | ulat ni Merry Ann Bastasa