Patuloy ang operasyon na isinasagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Bataan, na nakatutok sa tatlong pangunahing barko na lumubog sa karagatan doon.
Ayon sa pinakahuling ulat ng PCG, nakagawa ng malaking progreso ang Harbor Star, ang kinontratang salvor ship, na nakapag-install ng flange valve plates sa mga tangke ng langis ng MTKR Terranova.
Nagsagawa rin ang BRP Malapascua ng aerial at underwater surveys, at napansin ang ilang oil sheens sa lugar. Dagdag pa rito, nagsagawa rin ng pagkuha ng underwater videos para sa mga kasalukuyang operasyon.
Patuloy naman ang pag-spray ng dispersant ng BRP Sindangan para sa langis na na-monitor 500 metro mula sa ground zero.
Samantala, ang MTKR Jason Bradley ay nananatiling bahagyang nakalutang, at walang nakitang oil sheens malapit sa barko. Nagsagawa ng din ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng Coast Guard sa lugar upang matiyak na maayos ang mga isinasagawa nitong containment measures.
Panghuli, sa Mariveles, Bataan, nagsagawa ng surveillance sa baybayin ang mga tauhan ng Coast Guard malapit sa MV Mirola 1, habang inihahanda ng Morning Star ang mga kagamitan para sa salvage operation nito.
Asahan pa ang mga karagdagang ulat patungkol sa mga nasabing barko habang nagpapatuloy ang mga recovery efforts ng pamahalaan.| ulat ni EJ Lazaro