Ipina-contempt ng House Committee on Public Order and Safety at Games and Amusements ang corporate secretary ng Lucky South 99, ang POGO hub na niraid ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga.
Ito’y bunsod ng pagtanggi ni Ronelyn Baterna na sumagot nang makatotohanan sa mga tanong ng mga mambabatas.
Isa na rito ay kung sino ang kumuha ng abogado para sa naturang POGO hub matapos ma-raid.
Sa mga unang pahayag kasi ni Baterna, sinabi niyang inuutusan lamang siya.
Ngunit nang paharapin rin ang mga abogado ng NFC Miralles Law Office na siyang legal counsel ng Lucky South 99, lumabas na si Baterna pala ang nakipag-usap at nagpatawag sa kanila para kumatawan sa kompanya.
Para sa mga mambabatas, ang pabago-bagong pahayag ni Baterna ay maituturing na pagsisinungaling at marahil ay may itinatago.
Dahil dito, nag-mosyon si Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na i-contempt si Baterna.
Mananatili siya sa detention center ng Kamara sa loob ng 30 araw. | ulat ni Kathleen Forbes