Naglaan ng P11.7 bilyon ang Department of National Defense (DND) na pambili ng ballistic helmet at body armor para sa karagdagang proteksyon ng 115,000 sundalo ng Philippine Army.
Sa magkahiwalay na bid bulletin na inanunsyo sa DND website, itinakda ang budget para sa ballistic helmet project sa halagang P2,875,000,000; habang P8,832,000,000 naman ang budget para sa 115,000-unit ng military body armor.
Ang bidding ay bukas sa lokal at dayuhang suplayer alinsunod sa itinatakda ng 2016 Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.
Ang mga mananalong bidder ay kailangang makapag-deliver ng kabuuang suplay ng ballistic helmet at body armor sa loob ng limang taon sa taunang batch na tig-23,000 piraso.
Ang submission at opening of bids ay sa Agosto 20 sa DND building sa Camp Aguinaldo, Quezon City. | ulat ni Leo Sarne