Malaki ang naitulong ng mga kilalang personalidad gaya ng mga artista upang mahikayat ang mga kabataan na umanib sa Reserved Force ng bansa.
Ito ang iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-45 National Reservist Week.
Sa “Kapihan sa Bagong Pilipinas,” sinabi ni AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, mahalaga ang ginagampanang papel ng mga Reservist sa bansa.
Magsisilbi aniya itong dagdag puwersa sa kaling maharap ang bansa sa mga matitinding hamon gaya ng digmaan, pananakop o di kaya’y rebelyon.
Sa ngayon, ani Padilla, malaking tulong na ang mga Reservist sa humanitarian efforts partikular na sa relief at rescue operations at nag-aambag din ang mga ito sa socio-economic development.
Binigyang-diin pa ni Padilla na nag-triple pa ang bilang ng mga Reservist sa kasalukuyan kumpara sa mga nakalipas na panahon. | ulat ni Jaymark Dagala