Nagpaalala ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbubukas ng mga ipinamamahagi nitong relief packs ng mga hindi naman benepisyaryo nito.
Sa isang pahayag, sinabi ng DSWD na labag sa ilalim ng Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Act of 2010, ang pagbubukas ng food packs bago ito makarating sa mga benepisyaryo at ito’y may karampatang kaparusahan.
Ayon din kay DSWD Special Assistant to the Secretary for Disaster Response and Management Group Leo Quintilla, hindi pwedeng palitan ang nilalaman ng relief packs dahil nakahanay ito sa pangangailangan ng isang pamilya sa panahon ng sakuna o disaster.
Paglilinaw nito, tanging mga nasalanta lamang ng mga kalamidad gaya ng bagyong Carina ang may karapatang magbukas nito habang ito ay selyado.
Sinumang mapatunayang lumabag rito ay maaring mapatawan ng multang hindi bababa sa ₱50,000 hanggang ₱500,000 o pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa