Ipinag-utos na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang imbestigasyon sa umano’y paggamit ng fire truck sa isang pribadong swimming pool sa Taytay Rizal.
Partikular na inatasan ni Abalos si BFP Chief Fire Director Louie Puracan na alamin ang alegasyong “unlawful” na paggamit ng fire truck ng BFP.
Nauna nang nag-viral sa social media ang paggamit nito sa pag-refill ng tubig sa swimming pool.
Ipinag-utos din ng kalihim ang agarang pagsibak sa pwesto sa mga sangkot na tauhan ng kawanihan habang ginagawa ang imbestigasyon.
Mahigpit na kinokondena ng DILG ang anumang maling paggamit ng resources ng gobyerno.
Makikita sa social media post na nakuhanan ng larawan ang fire truck ng BFP sa harap ng isang gusali at mayroong hose. Bukod pa ang hiwalay na video na kumukuha naman ng tubig sa isang fire hydrant. | ulat ni Rey Ferrer