Inaprubahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paggamit ng shredded plastic wastes para mapatibay ang kakayahan ng mga aspalto sa mga kalsada sa buong Pilipinas.
Sa Department Order No. 139, series of 2024, na nilagdaan ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, binigyang-daan nito ang paggamit ng recycled materials na tinatawag na Item 310 (15) ng lahat ng regional at district engineering offices sa paggawa ng mga kalsada.
Ayon sa DPWH, ang nasabing bagong pamamaraan na ito ay gumagamit ng low-density polyethylene (LDPE) na plastik na basura bilang dagdag na sangkap sa aspalto na layuning mabawasan ang pagkasira ng kalsada at mapahaba ang buhay ng konkreto.
Ibinahagi naman ni Sec. Bonoan, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsuporta ng DPWH sa sustainable engineering at pagsulong ng teknolohiya sa construction, alinsunod sa mga matatagumpay na pananaliksik.
Kinumpirma naman ng DPWH Bureau of Research and Standards na pumasa sa lahat ng kinakailangang pamantayan ang aspalto na may halong LDPE.| ulat ni EJ Lazaro