Tiniyak ng task force ng pamahalaan na namamahala sa MT Terranova oil spill operation na maaaring magsimula na sa susunod na dalawang linggo ang siphoning o paghigop sa langis na kasamang lumubog ng nasabing oil tanker sa katubigang sakop ng Limay, Bataan noong July 25.
Sa timeline na ibinahagi ng task force, kakailanganin umano ng isang linggo para sa paggawa ng metal caps na ipapalit sa mga capping bags na inisyal na iniligay sa mga valves ng barko at karagdagang isang linggo para sa installation nito.
Kakailanganin umano ito para sa ligtas na siphoning o paghigop ng langis mula sa MT Terranova.
Iginiit naman ng mga awtoridad na contained sa ground zero ang langis na tumagas mula sa lumubog na barko.
Bukas, August 5, inaasahan namang darating sa bansa ang mga kawani ng US Coast Guard para magbigay ng technical assistance sa pamahalaan. | ulat ni EJ Lazaro