Welcome para kay Navotas Representative Toby Tiangco ang pagkakalagda sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Kabalikat sa Pagtuturo Act na magbibigay ng ₱10,000 na dagdag allowance para sa public school teachers.
Malaking tulong aniya ito para mabawasan ang pasanin ng mga guro sa kanilang paggampan sa kanilang mandato.
“Malaking tulong itong additional allowance na pwede nilang magamit para sa mga paunang gastusin sa pagbubukas ng klase,” sabi ni Tiangco.
Giit pa ng mambabatas, batid ng pamahalaan na mahirap na trabaho ang pagiging teacher kaya nais nitong mapalawak ang mga benepisyong natatangap nila para maibsan ang kanilang mga alalahanin at makatuon sa pagtuturo sa mga estudyante at mapagbuti ang sektor ng edukasyon.
Hindi lang din aniya teachers ang makikinabang dito, kundi pati guidance counselors, librarians, vocational instructors, pati na rin mga mobile teachers at mga nasa Alternative Learning Systems.
“This additional benefit for public school teachers underscores the administration’s commitment to enhancing educator welfare. President Marcos has consistently outlined his policy goals to improve public education, and I fully support crafting meaningful legislation that expands teachers’ benefits and ensures quality education for all Filipino students,” ani Tiangco. | ulat ni Kathleen Jean Forbes