Para kay Senador Sherwin Gatchalian, “premature” pang maituturing ang suhestiyong gawing “state witness” si Shiela Guo laban kay dating Mayor Alice Guo.
Duda rin kasi si Gatchalian kung magsasalita o magbibigay ng detalye si Shiela laban kay Alice lalo pa’t sa unang pagsalang nito sa pagdinig ng Senado ay wala itong naibigay na kongkretong detalye ng kanilang pagtakas sa Pilipinas.
Hindi rin aniya mababalewala ang koneksyon ni Shiela sa operasyon ng mga POGO lalo na’t tumayo siyang corporate secretary o treasurer sa ilan sa mga kumpanya ng mga Guo na pinaniniwalaang ginamit nila para ilegal maipasok ang pera sa pagpapatayo ng mga POGO.
Pinahayag rin ni Gatchalian na para sa kanya ay professional liars at swindlers itong sina Shiela at Alice Guo kaya dapat mag ingat sa mga pahayag ng mga ito.
Hindi rin kumbinsido ang senador sa binubuong imahe ni Shiela na siya ay inosente at walang alam. | ulat ni Nimfa Asuncion