Binigyang diin ni Senador Alan Peter Cayetano ang pangangailangan na pahusayin ang grassroots sports development sa bansa kasunod ng nakamit na makasaysayang double gold ni Pinoy gymnast Carlos Yulo sa 2024 Paris Olympics.
Ayon kay Cayetano, dapat buhayin ang grassroots sports program ng bansa para malinang ang susunod na henerasyon ng atleta ng bansa.
Maaari kasi aniyang nag-uumpisa pa lang sa mga paaralan at komunidad ang susunod na Carlos Yulo ng Pilipinas.
Inalala ni Cayetano na nagsimula ang sports journey ni Yulo sa playgrounds ng Malate, Maynila at ngayon ay nakarating na ito sa Olympic stadium sa Paris.
Nakiisa rin si Cayetano sa pagdiriwang ng bansa sa nakamit na dalawang gintong medalya ni Yulo.
Sinabi ng senador inspirasyon ang panalong ito para sa bawat Pilipino.| ulat ni Nimfa Asuncion