Paiigtingin pa ng Pamahalaan ang mga ginagawang hakbang nito para siguruhing sapat ang pagkain ng mga Pilipino sa gitna na rin ng nagbabantang pagpasok ng La Niña gayundin ang bumibilis na inflation sa bansa.
Ito ang tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa pagbilis ng inflation rate ng bansa sa 4.4 percent nitong Hulyo mula sa 3.7 percent nitong Hunyo.
Sa isang kalatas, sinabi ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na hindi sila titigil sa paghahanap ng mga paraan upang panatiling sapat ang suplay ng pagkain sa gitna ng mga nagbabantang hamon.
Batay sa ulat ng PSA, bagaman bumagal ang rice inflation ng 20 porsyento ay nananatili pa ring mataas ang presyo ng bigas bunsod ng iba’t ibang kadahilanan gaya ng transportation cost at pagtaas ng presyo ng langis.
Kaya naman inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang Rice-for-All program na layong maibenta sa publiko ang murang bigas para sa lahat. | ulat ni Jaymark Dagala