Nais ni Senador Robin Padilla na imbestigahan ang pagpapatupad ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, para matugunan ang mga tinatawag na policy gaps nito at para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa ipinagbabawal na droga.
Ihinain ni Padilla ang Senate Resolution 1131, para hikayatin ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na gawin ang imbestigasyon “in aid of legislation.”
Sa kanyang resolusyon, pinunto ni Padilla ang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA), na 440 mula sa 6,000 inarestong high-value targets ay empleyado ng gobyerno.
Mula sa 440 na ito, 42 ay uniformed personnel at 77 ay halal na opisyal.
Dagdag pa ng senador sa isang pagdinig sa Senado, nadiskubre na dalawang klaseng droga lang ang sakop ng compulsory drug tests ng gobyerno na nagpapakita ng kakulangan sa requirement at butas sa pagpapatupad ng batas. | ulat ni Nimfa Asuncion