Pagpapaunlad ng mga pangunahing sektor ng bansa, mas dapat pagtuunan ng pansin kaysa e-sabong – Sen. Alan Peter Cayetano

Facebook
Twitter
LinkedIn

Umapela si Senator Alan Peter Cayetano sa pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang pagpapalago sa mga pangunahing sektor ng ekonomiya sa halip na umaaa sa iba’t ibang uri ng sugal bilang revenue source ng gobyerno.

Ginawa ni Cayetano ang pahayag na ito bilang tugon sa panukala sa Kamara na buhayin at gawing legal ang e-sabong bilang kapalit ng nawalang kita bunsod ng pagbabawal ng operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Cayetano ang pangangailangan na mamuhunan sa sektor ng agrikultura, itaguyod ang turismo at pasiglahin ang mga industriya sa bansa.

Giit ng senador, hindi tulad ng sugal, ang mga sektor na ito ay makapagbibigay ng pangmatagalang financial benefit sa bansa at magdudulot pa ng positibong epekto sa buhay ng mga Pilipino.

Pinunto rin ng mambabatas, na mas mabigat ang negatibong epekto ng online sabong kaysa sa sinasabing financial gain na maaaring makuha ng gobyerno mula dito.

Patataasin aniya nito ang banta ng addiction, pagkabaon sa utang at krimen, partikular na sa mga kabataan.

Matatandaang una nang ipinagbawal ng nakaraang administrasyon ang e-sabong matapos ang kaso ng pagkawala ng higit 30 indibidwal na sinasabing sangkot dito. | ulat ni Nimfa Asuncion