Mahigpit na tinututukan ng Pamahalaan ang mga hakbang upang maparami pa ang dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Ito ang inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 3.1 percent ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, batay sa datos ay aabot na sa 50.3 milyong Pilipino ang may trabaho kung saan, pinakamarami sa mga ito ay nasa services sector na nasa 58.7 percent.
Dagdag pa ni Balisacan, nakabuti rin sa pagpapalakas ng labor force ang mabilis na pagpapatupad ng mga infrastructure project na siyang nakalilikha ng mas maraming trabaho.
Isa pang hakbang na nakikita ng NEDA para palakasin ang labor force ay hikayatin ang mga kabataan kaya’t isinusulong nila ang pagpasa ng Apprenticeship bill.
Sa ganitong paraan ani Balisacan, makatututlong ito sa mga kabataan na mahasa sa pagtatrabaho habang sila’y nag-aaraL. | ulat ni Jaymark Dagala