Naghain sina Senate Committee on Basic Education Chairperson Senador Sherwin Gatchalian at Committee on labor Chair Senador Joel Villanueva ng panukalang batas na layong pahintulutan ang mga Pilipinong may dual citizenship na pumasok sa mga pampublikong higher education institutions (HEIs) bilang mga guro, researchers o administrators.
Sa inihain nilang Senate Bill 2733, layong amyendahan ang bahagi ng Republic Act 9255 o ang ‘Citizenship Retention and Re-Acquisition Act of 2003.’
Sa ilalim nito, pinapanukalang payagan na makapasok bilang mga researcher, faculty member, at administrators ng mga pampublikong HEIs ang mga nagpanatili at bumalik sa kanilang Philippine citizenship, nang hindi tinatalikuran ang panunumpa ng katapatan sa ibang bansa.
Sa kasalukuyang batas kasi, maaari lang mahirang sa public office ang mga nagpanatili o nag-re-acquire ng kanilang Philippine citizenship kung manunumpa sila ng katapatan sa Republika ng Pilipinas at tuluyang tatalikuran ang panunumpa ng katapatan sa ibang bansa.
Ayon sa kay Gatchalian, maaaring dumami ang mga internationally competitive na faculty members sa bansa kung mawawala ang kasalukuyang restriction na ito.
Makatutulong rin aniya itong matugunan ang mga isyu sa global ranking ng mga pampublikong HEIs at enrollment ng international students. | ulat ni Nimfa Asuncion