Suportado ni Deputy Speaker David Suarez ang plano ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co na isailalim sa review ang paggamit ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa kanilang intel fund.
Bunsod pa rin ito na nagawang makalusot ni Alice Guo palabas ng bansa.
Maliban dito, maigi rin aniya na mabusisi ang security measures at protocols na ipinapatupad sa pagbabantay sa mga border.
“Yes, I really think we need to revisit our security measures, the protocols we reinforce pagdating sa border, pagdating sa implementation ng ating policies. Kasi tulad ng ganito, hindi dapat nangyayari ito. May pananagutan silang hinaharap sa ating bansa tapos malaya silang nakakalabas,” sabi ni Suarez.
Nakakabahala aniya na may mga pananagutan sa bansa si Guo ngunit malayang nakakalabas.
Nangako rin si Suarez na oras na sumalang sa budget briefing ang mga kaukulang ahensya ay pagpapaliwanagin ang mga ito kung bakit nangyari ang ganitong insidente at kung paanong hindi na ito maulit.
“Kailangan talaga nating busisiin ito. In fact isa ito sa mga tatalakayin natin this coming budget, pagharap ng mga ahensya sa amin upang maipaliwanag nila kung bakit nagkaroon ng ganitong sitwasyon at para maiwasan natin na maulit ito,” dagdag pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes