Aminado si justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi nila mapipigilan ang pagsasagawa ng International Criminal Court (ICC) ng imbestigasyon sa mga sinasabing kaso ng extrajudicial killings (EJK) sa naging implementasyon ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa budget hearing ng DOJ sa Senado, sinabi ni Remulla na partikular nilang hindi mapipigilan ang ICC sa pakikipag-usap sa mga probable witness sa kaso lalo na kung gagamit sila ng teknolohiya o kung kakausapin nila ang mga testigo sa pamamagitan ng video call.
Pero giniit ng kalihim na ibang usapin na kung pupunta sila dito sa Pilipinas para magsilbi ng warrant of arrest.
Aniya, sa ganitong pagkakataon ay kailangan na nilang dumaan sa court system ng Pilipinas.
Pinunto ni Remulla na kailangan pang suriin ng korte suprema ng Pilipinas kung papayagan nilang maisilbi ang warrant of arrest mula sa isang international tribunal na hindi na tayo miyembro.| ulat ni Nimfa Asuncion