Ngayong araw, magtatapos na ang isinagawang 2024 Bagong Pilipinas National Trade Fair sa SM Megamall, kung saan matagumpay na itinampok ang nasa 270 micro, small, and medium enterprises (MSMEs) mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI).
Makikita dito ang iba’t ibang produkto na ipinagmamalaki ng bawat rehiyon sa bansa tulad ng mga wood furnitures ng Cordillera, tela tulad ng Inabel na ipinagmamalaki ng Ilocos, at mga pagkain at inumin mula Luzon, Visayas, at Mindanao.
Nauna nang binanggit ni DTI Acting Secretary Cristina Roque na ang trade fair na ito ay mahalagang plataporma para sa mga MSMEs upang makipag-ugnayan sa mga bagong merkado at makabuo ng strategic partnership para sa pagsuporta sa mga lokal na produkto at pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.
Sa temang “Go Green! Go Local!”, itinampok sa event ang iba’t ibang eco-friendly at sustainable na mga produkto na may pagmamalaking gawa ng mga Pilipino. Mula pa noong ika-21 ng Agosto, naging isang pagdiriwang na nag nasabing fair ng inobasyon at pagkamalikhain ng mga negosyanteng Pilipino na nagpapakita sa commitment ng bansa sa sustainability.
Mananatiling bukas ang 2024 DTI-Bagong Pilipinas National Trade Fair hanggang ngayong araw na lamang sa ika-5 palapag ng Mega B, Megatrade Hall 2 sa SM Megamall, Mandaluyong City. | ulat ni EJ Lazaro