Hindi na pinroseso ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga application sa operasyon maging sa expansion ng sites ng internet gaming licensees (IGLs).
Ito ang inihayag ni PACGOR Vice President for Offshore Gaming and Licensing Department Atty. Jessa Fernandez sa imbestigasyon ng quad comm sa Bacolor Pampanga.
Aniya, para matigil na ang pagdaragdag sa mga IGL ay hindi na sila tumatanggap ng aplikasyon.
August 1 din ay ipinag-utos na ang hiring ban sa mga kasalukuyang IGLs kaya inaasahan nila na sa mga susunod na buwan ay papaunti na ang mga empleyado ng IGLs.
Batay din sa kanilang monitoring, mula nang ipag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang total ban sa POGO ay nagbawas na rin ng mga IGL sa kanilang operational sites.
Tuloy-tuloy din aniya ang koordinasyon nila sa ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Bureau of Immigration at Department of Labor and Employment para mabigyan ng displaced Filipino workers gayundin ang pagpapa deport sa mga foreign worker. | ulat ni Kathleen Forbes