Sisimulan na sa January 2025 ang pagtatayo ng steel bridge na magsisilbing temporary bridge para sa kukumpunihing EDSA-Guadalupe bridge.
Sa pulong balitaan sa Pasig City, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Atty. Don Artes, na 10 buwan ang aabutin ng pagtatayo ng temporary bridge.
Dahil dito, sa October pa ng susunod na taon masisimulan ang partial closure ng tulay na dapat sana ay September o October ngayong taon ay gagawin.
Paliwanag ni Artes, nagkaroon ng problema sa procurement kaya naantala ang proyekto.
Maliban dito, ay iniwasan din nila na abutin ng Pasko ang rehabilitasyon ng tulay na magdudulot ng trapiko.
Samantala, nilinaw ni Artes na outer bridge lang ang isasara sa Guadalupe Bridge at mananatili namang bukas ang inner bridge ng naturang tulay.
Nabatid na nasa 50 taon na ang tanda ng tulay kaya kinakailangan nang magsagawa ng rehabilitasyon para matiyak na ligtas ang istraktura nito sakaling tumama ang the big one na lindol. | ulat ni Diane Lear