Sinimulan na ng pamahalaan ang information campaign para sa pagboto ng overseas Filipinos sa 2025 midterm elections.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Spokesperson John Rex Laudiangco, na nakipag-usap na sila sa Filipino Community sa iba’t ibang bansa tulad sa Korea, Hong Kong, at Singapore.
“Ganito po ito, napakadali po ng internet voting – para lang po tayong nag-online banking ‘no. Kung papaano po tayo nagrirehistro doon sa mga online banking platforms at mga payment platforms tulad ng GCash, PayMaya at iyong katulad sa Landbank – ganoon din po ang gagamitin natin.” —Laudiangco
Maging ang mga kawani aniya ng Embahada ng Pilipinas na magsisilbing electoral board sa halalan ay isinasailalim na sa pagsasanay, at binibigyan ng kaukulang impormasyon.
“Kung ikaw ay overseas registered voter, pupunta ka po doon sa website na itinalaga ng Comelec; at pagkatapos po dito ikaw po ay magpi-pre-enroll doon – medyo mahaba po iyong period natin para mag-pre-enroll. In fact, puwede ka pong mag-enroll hanggang sa araw mismo ng halalan kung doon mo lang nais mag-enroll. Ang importante po rito, binigyan natin nang napakahabang panahon na mag-enroll ang ating mga kababayan.”—Laudiangco
Sabi ng opisyal, dahil sa April 12 ang botohan ng overseas Filipinos April 11 pa lamang ay maaari na silang mag-test voting, upang gamay na nila ang gagawing internet voting sa mismong araw ng halalan.
“Puwede po silang mag-test voting nang makasanayan nila kung papaano gamitin ang internet voting; and lastly po, ang ginagawa po namin dito, asahan ninyo po ang pagro-rollout namin ng mga info materials, instructional materials, mga visual aids sa ating website pati na rin po sa Facebook at Twitter at ito po ay para mapadali ng ating mga kababayan ang paggamit at maengganyo sila na gumamit ng internet voting.” —Laundiangco | ulat ni Racquel Bayan