Binigyang diin ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar na ginagawa ng Marcos Jr. Administration ang lahat upang mai-deliver ang pabahay para sa mahihirap.
Sa budget briefing ng ahensya, sinabi nito na tinatrabaho ng kanyang tanggapan ang lahat upang gawing affordable ang pabahay sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program.
Paliwanang ng kalihim sa interpellation ni Gabriella Party-list Representative Arlene Brosas, may iba’t ibang uri sila ng pabahay depende sa halaga upang makayanan ng mga mahihirap na pamilya ang monthly amortization.
Pinakamurang pabahay sa ilalim ng 4PH program ay nasa P2,796 monthly amortization para sa pamilyang may monthly income na tinatayang P10,000 base sa inilabas na poverty threshold ng National Economic Development Authority (NEDA).
Aniya, maliban sa interest subsidy na ipagkakaloob ng gobyerno ay mayroon ding graduated subsidy upang sa una ay mura lang ang hulog kada buwan, at bahagya nalang itong itataas habang nadadagdagan ang kita ng mga benepisyaryo.
Samantala tiniyak din ng DHSUD Chief, na walang dapat ikabahala na mauuwi ang mga gusali ng 4PH program sa tenement sa Tondo na hindi na maaaring tirahan, aniya ang maintenance ng mga building ng 4PH ay nakasama na sa babayaran kada buwan ng mga benepisyaryo. | ulat ni Melany Valdoz Reyes